Positibo ang halos kalahati sa mga Pilipino na gaganda ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas sa susunod na 12 buwan.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), 42% ang nagsabing tiwala sila na makakabawi ang ekonomiya ng bansa sa nasabing panahon.
Maliban dito, 28% ang nagsabing walang magiging pagbabago sa estado ng ekonomiya, habang 18% ang naniniwalang lalala pa lagay ang ekonomiya.
Isinagawa ang naturang survey noong Nobyembre 21 hanggang 25 sa pamamagitan ng harapang interview sa 1,500 respondents sa buong bansa.
Dahil umano sa resulta ng survey, sinabi ng SWS na pumalo sa +24 ang Net Economic Optimism score, na ibig sabihin ay mataas.
“The survey item reported here was non-commissioned. It was done on SWS’s own initiative and released as a public service,” anang SWS.
Tinanong din ang mga respondents tungkol sa economic optimism o pessimism. Ang eksaktong tanong ay:
“Sa darating na 12 buwan, ano sa palagay ninyo ang mangyayari sa ekonomiya ng Pilipinas? Masasabi ba ninyo na ito ay BUBUTI, KAPAREHO LANG, o SASAMA?”