Apat lamang umano mula sa 17 siyudad at bayan sa Metro Manila ang nakakasunod sa contact tracing standards na itinakda ng pamahalaan.
Ayon kay Interior Usec. Epimaco Densing, tanging Maynila, Pateros, San Juan, at Taguig lamang ang nakasunod sa standards na isang contact tracer kada 800 katao.
Dagdag pa ni Densing, nagre-hire lamang sila ng 30% mula sa 50,000 contact tracers na kanilang kinuha para sa pandemic response.
Bunsod nito, nagpaalala ang opisyal sa mga LGUs na sumunod sa health standards.
“So pinakikiusapan ko po, napakaimportante ng contact tracing sa paglaban natin sa COVID-19. I hope the other cities including those outside of Metro Manila ma-meet po nila ‘yung standard na 1 is to 800 sa contact tracing,” ani Densing.
Ang Metro Manila pa rin ang itinuturing na epicenter ng pandemya na nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon matapos ang isang taon.
Una rito, sinabi ng Department of Health na kapos daw ang contact tracing sa Metro Manila.
Magdadagdag naman daw ang Metropolitan Manila Development Authority ng mga contact tracers lalo pa’t patuloy ang pag-akyat ng bilang ng mga COVID-19 cases sa NCR.