Nasa stable condition na umano ang apat na sugatang SAF troopers na napasabak sa matinding bakbakan laban sa mga armadong grupo sa Sultan Kudarat na ikinasawi ng 12 indibidwal kabilang ang gang leader.
Napatay din sa limang oras na labanan ang SAF trooper na nakilalang si PSSg. Elenel Pido.
Nakasagupa ng mga police commando ang tinaguriang most wanted persons at terrorists sa Sultan Kudarat, Maguindanao.
Pinuri naman ni Sinas ang matagumpay na operasyon laban sa criminal group na sangkot umqno sa iba’t ibang criminal activities gaya ng pangho-holdap at patayan,
Ayon kay PNP chief, ngayong araw nakatakdang dumating ang cadaver ng napatay na SAF trooper.
Habang nasa mabuting kalagayan na rin ang apat na sugatang SAF commando kung saan isa dito ay naoperahan dahil sa mga tinamong shrapnel.
Siniguro naman ni Sinas ang suporta sa mga sugatang SAF troopers.
Binigyang-diin ni PNP chief na lalo pa nilang palalakasin ang kanilang kampanya laban sa terorismo at criminal activities.
Samantala, ginawaran naman ng Medalya ng Kadakilaan si PSSg Pido na napatay sa labanan kasunod sa paggunita sa National Day Of Remembrance ng SAF44.
Ginawaran din ng Medalya ng Sugatang Magiting at Medalya ng Kagalingan si Police Captain Ronillo Daligdig, PCpl Gyvard M Bando, PCpl John-Ryan C Aquino, Pat Cayl Jun Gonzalez.
Pinarangalan din ng Medalya ng Kagalingan sina Police Lieutenant Colonel Grand Gollod, Police Lieutenant Colonel Jonathan De Gracia, Police Lieutenant Colonel Cyros Belarmino, Police Major Julhamin Asdani, at Police Major Paul Vincent Camarce.
Ayon kay PRO-BAR Regional Director BGen Samuel Rodriguez, ang kabayanihan ng SAF44 at ang pagkamatay ni PSSG Pido ay magsisilbing inspirasyon para palakasin pa ang kanilang misyon bilang tagpagtaguyod ng batas.
“On this day of National Remembrance for the Gallant SAF 44, let us continue to remember the memories of our brothers who gave their lives in defending our nation so that their heroic sacrifices are not forgotten by generations,” pahayag.pa ni Gen. Rodriguez.