-- Advertisements --

BACOLOD CITY — Nadagdagan ng tig-dalawang kaso ng coronavirus disease 2019 ang lungsod ng Bacolod at lalawigan ng Negros Occidental.

Ang apat na mga panibagong kaso ay pawang galing sa grupo ng mga repatriated seafarers na dumating sa Negros Occidental noong Abril 28.

Aabot sa 28 mga repatriated seafarers ay residente ng Bacolod City at 27 naman ang mga taga-Negros Occidental.

Ayon sa DOH, si Bacolod Patient No. 10 ay isang 42-anyos na lalaki mula sa Barangay Villamonte habang si Bacolod Patient No. 11 naman ay isang 27-anyos na babae at residente naman ng Barangay Granada sa Bacolod City.

Nananatili ang mga ito sa isang pension house na ginawang quarantine facility ng city government.

Samantala, si Negros Occidental Patient No. 5 ay isang 30-anyos na babae mula sa bayan ng La Castellana habang si Negros Occidental Patient No. 6 naman ay isang 43-anyos na lalaki mula sa lungsod ng Escalante.

Naka-quarantine naman sila sa isang hotel sa Bacolod ngunit agad na inilipat sa Provincial Healing Center upang ma-isolate.

Sa kabuuan, mayroon ng 11 kaso ng coronavirus sa lungsod ng Bacolod habang anim naman ang naitala sa lalawigan ng Negros Occidental.