KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pananambang patay sa apat na sibilyan sa bahagi ng Brgy. Manaulanan, Pikit, Cotabato.
Kinilala ni PMaj.Maxine Peralta, hepe ng Pikit Municipal Police Station ang mga biktima na sina Kalid Selongan, 28 anyos, Ray Dodong Santander Benias, 47 anyos, Welliam Cantonis, 41 anyos at Darwin alyas Bugoy Cantonis, 28 anyos na pawing mga resdidente ng Brgy. Fort, Pikit, Cotabato.
Ayon kay Peralta, lumabas sa kanilang imbestigasyon na sakay ang mga biktima ng itim na Bajaj motorcycle nang hinarang ng mga hindi pa natukoy na bilang ng mga suspek at pinagbabaril.
Mula umano sa pamimingwit ang mga biktima at pauwi na nang mangyari ang pananambang.
Agad naman na tumakas ang mga suspek matapos gawin ang krimen.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng M16 rifle na ginamit sa pamamaril sa mga biktima.
Hindi na umabot pa ng ospital ang mga biktima na agad binawian ng buhay dahil sa maraming tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Dagdag pa ng opisyal, di pa matukoy ng mga otoridad ang motibo ng krimen.
Itinuturing naman na isolated case lamang ang pangyayari.
Sa ngayon, nananawagan ang opisyal sa sinumang mga testigo na nakakita ng krimen na makipagtulungan sa kanila upang maresolba ang kaso.
Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ng mga biktima.