-- Advertisements --

Inireklamo ng Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas sa PNP Anti-Cybercrme Group ang mga salarin sa likod ng deep fake video ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa chairman ng naturang grupo na si Dr. Raymond Apacible Aragon, ang pagpapakalat ng mga pekeng balita ay maaaring maging implikasyon sa national security sa kadahilanang maaari itong makaimpluwensya sa paniniwala ng taumbayan.

Dahil dito ay sinampahan nila ng reklamong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code in relation to Cybercrime Law ang apat na social media influencers at social media pages.

Aniya ang mga ito ay maaaring madagdagan pa sa mga susunod na panahon sapagkat nararapat lamang aniya na panagutin ang mga nasa likod ng naturang deep fake video.

Samantala, bukod dito ay kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang naturang grupo kay Department of Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. ukol dito.

Kung maaalala, una nang nagbabala ang Palasyo ng Malakanyang sa publiko hinggil sa mga kumakalat ng deep fake video ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kasabay nito ay iginiit din ng Presidential Communication Office na manipulado ang video na ito na ginawa sa pamamagitan ng Artificial Intelligence.