Apat na tao ang naiulat na nasugatan sa Bicol region, habang mahigit sa 2,600 indibidwal naman ang nananatili sa mga evacuation center (ECs) sa buong bansa dahil sa bagyong Aghon, ayon sa ulat ng Office of the Civil Defense (OCD) ngayong Linggo.
Sa isang press conference, inihayag ni OCD spokesperson Edgar Posadas na ang mga nasugatan ay nasa Legazpi, Albay.
Apat sa Legazpi, tatlong bata na 12, 11, 5, taong gulang at isang 30-year-old, at lahat lalake.
Dagdag pa ni Posadas, ang 30-taong gulang na lalaki ay tinamaan ng tricycle at nabagsakan din ng puno.
Walan namang mga detalye na ibinigay kung paano nasugatan ang tatlong menor de edad.
Samantala, nakapaloob din sa ulat na kabuuang 2,734 na tao, o 513 pamilya, ang apektado ng bagyo, kung saan 2,669 sa kasalukuyan ang nananatili sa mga evacuation center (ECs).
Ayon sa Office of the Civil Defense, 17 na bahay ang bahagyang nasira ng Aghon habang lubusan nawasak naman ang apat na bahay.
46 na bahay mula sa Region 5 at 8 ang nakaranas din ng putol-putol na suplay ng kuryente dahil sa malalakas na hangin na dala ng naturang bagyo.