Nasa apat na indibidwal ang sugatan ngayon mula sa pinakahuling insidente ng panghaharrass ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa ginawang pangbobomba muli ng water cannon ng dalawang barko ng China Coast Guard sa mga resupply boat ng Pilipinas sna Unaizah May 4 sa kasagsagan ng resupply mission ng tropa ng mga militar sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea, dahil sa tama ng ginamit na water cannon ng CCG ay nabasag ang wind shield ng Unaizah May 4 na nagdulot naman ng minor injuries sa apat na mga tauhang sakay nito.
Dahil dito ay napilitang bumalik sa Palawan ang Unaizah May 4 sa pag-alalay na rin sa BRP Sindangan.
Giit ng naturang task force, ang aksyon na ito ng China sa WPS ay nagdudulot ng banta at panganib sa mga buhay ng mga kababayan nating lulan ng mga barkong kanilang inatake.
Bukod dito ay ipinunto rin nito na ang systematic at consistent anila na mga aksyon ng China ay pawang mga ilegal at iresponsable dahilan ng mga kuwestiyon hinggil sa sinseridad ng panawagan nito pa ra sa isang mapayapang talakayan hinggil sa mga usaping may kinalaman sa pinag-aagawang teritoryo.
Samantala, sa kabila ng mga panghaharass na ito ng mga barko ng China sa mga barko ng Pilipinas ay naging matagumpay pa rin naman na nakarating sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal ang Unaizah May 1 para maghatid ng supply sa mga tropa na nakabase doon.
Habang ang mga sugatang personnel naman na lulan ng inatake na Unaizah May 4 ay agad na nilapatan ng paunang lunas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa BRP Sindangan.