Apat na katao ang nasugatan sa Bicol region habang patuloy na nakakaapekto ang Tropical Storm Aghon sa ilang bahagi ng bansa.
Ito ang sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Nabatid ng NDRRMC sa pinakahuling ulat nitong alas-8 ng umaga na walang nasawi o nawawala dahil sa bagyo.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Edgar Posadas nasa kabuuang 2,734 katao o 513 pamilya sa 18 barangay sa Bicol Region at Eastern Visayas ang apektado dahil sa Bagyong Aghon.
Nasa 523 katao o 34 na pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation center.
Sinabi ni Posadas na ang mga food at non-food items ay inihanda na ng OCD at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga regional office upang madagdagan ang mga mapagkukunan ng mga local government units.
Dagdag pa ni Posadas na ang kanilang binabantayan ang buhos ng ulan lalo na at didikit siya nang medyo malapit dito sa Metro Manila.
Simula alas-8 ng umaga noong Linggo, itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa bahagi ng Quezon, Rizal, Batangas at Laguna habang napanatili ng Aghon ang lakas nito.