-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot sa apat ang nasugatan sa pagkarambola ng apat na sasakyan sa harap ng kapitolyo sa lalawigan ng South Cotabato pasado alas-2:00 kaninang hapon.

Ayon kay City Traffic Management Office head Raul Miramon, inararo ng isang puting dump truck ang tatlong sasakyan sa Alunan Avenue, Koronadal City harap ng South Cotabato Provincial Capitol malapit sa NDMU Complex.

Base sa inisyal nga imbestigasyon sang Koronadal City Traffic Section, nagmula sa Upper Valley area ang nasabing dump truck na minamaneho ni Dave Bangoyag Dosano, 26, na residente ng lungsod ng Tacurong.

Nagkaroon umano ng mechanical problem hanggang sa nawalan ng preno ang dump truck na naging dahilan ng pag-araro nito sa isang Isuzu pick up na pag-mamay-ari ng Denver Spring Water Resources hanggang sa nabangga naman nito ang Isuzu Elf at nadamay kasama na ang isang tricycle.

Ayon sa ilang mga testigo habang pababa sila sa downtown area bumubusina na ang dump truck bilang signal sa mga motorista na nawalan na ito ng kontrol.

Kinilala ang mga biktima na sina Rio Menido, 29, residente ng Upper Mabuhay, Brgy Topland at Reymond Poloyapoy, 20 na residente ng Brgy San Isidro, Tupi, South Cotabato habang may dalawa pa na dinala sa pribadong hospital.

Bago pa man ang pagkarambola ng mga sasakyan ay isang malakas na pagsabog ng gulong ang bumulabog sa mga motorista kaninang hapon.