Kinumpirma ni Western Mindanao Command (Wesmincom) commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na apat na sundalo ang napatay ng mga pulis sa isang checkpoint operation sa Sitio Marina, Barangay Walled City, Jolo, Sulu dakong alas-2:45 ng hapon ng Lunes.
Sinabi ni Sobejana, on official mission umano ang mga sundalo na naka-assign sa 11th infantry Division ng Philippine Army.
Kinumpirma ni Sobejana ang mga nasawi ay may ranggong major, isang Army captain, isang sarhento at isang corporal.
Hiniling na rin ni Sobejana sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang insidente.
“The report is sketchy for now. There are several versions. Anyway, I requested the NBI to conduct an investigation. Our interest is to know the facts and justice is given,” mensahe na ipinadala ni Sobejana sa Bombo Radyo.
Batay naman sa ulat ni PNP BARMM spokesperson Major Jemar Delos Santos, sinabi nito na napansin ng mga pulis ang isang kulay gray na SUV Montero na sakay ang apat na armadong lalaki.
Nilapitan daw nila ito at nagpakilalang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines kaya sinabihang dumiretso sa Jolo Municipal Police Station para sa verification.
Pero sa halip tumungo sa Jolo Police station ay tumakas daw ang mga suspek patungo sa direksyon ng Martirez, Barangay San Raymundo, Jolo, Sulu kaya nagkaroon ng sagupaan na nauwi sa pagkamatay ng mga sundalo.
Samantala, tinawag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na “very unfortunate incident” ang nangyari sa mga sundalo.
“Very unfortunate incident, no additional comment muna while inquiry is ongoing. Very hazy pa dumadating na report incidentreport pa lang. The NBI in Zambo will conduct inquiry,” mensahe naman ni Sec. Lorenzana.