Hawak na ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa Region 3 ang apat pang suspek sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo, kabilang dito ang financier sa krimen.
Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, unang nahuli ng PNP ang self-confessed gunman na si Omar Mallari sa Arayat, Pampanga noong nakaraang linggo.
Arestado naman si Manuel Torres ang umano’y financier na nagbayad ng P100,000 sa mga gunman para patayin ang pari, habang sumuko ang dalawa pang suspek na sina Rolando Garcia at Marius Alvis.
Nagbigay na rin umano ng kani-kanilang mga testimonya o judicial affidavit sina Alvis at Garcia.
Sinabi ni Albayalde, isa sa tinitignan nilang motibo sa pagpatay kay Fr. Nilo ay ang pagbuhay nito sa rape case kung saan walong suspek na ang sinampahan ng kaso.
Ang pagkakahuli naman sa self-confessed gunman at sa iba pang suspek ay indikasyon umano na hindi tumitigil ang PNP sa pag-imbestiga sa kaso.
Inamin ni Mallari sa kanyang judicial affidavit na ito ang pumatay sa pari at si Manuel ang kumontak sa kaniya.
Habang ang testimonya naman ni Garcia na si Manuel ang naghanap ng tirador para patayin ang pari.
Naitala ang rape case noong March 2017 pero na-dismiss ito dahil ayaw nang ipagpatuloy ng mga biktima ang kaso, dahilan para makalaya akusado kasunod ng pagbayad nito ng piyansa.
Matatandaang pinakawalan noong Biyernes ang umano’y principal suspek na si Adell Milan dahil sa mistaken identity.