Ipinag-utos ng Manila City Prosecutor’s Office noong Biyernes ang pagpapalaya sa mga suspek sa pagpatay kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III.
Ayon sa mga taga-usig, ire-refer daw ang kaso sa mga otoridad para sa mas malaliman pang imbestigasyon.
Pinalabas umano sa bilangguan ang mga suspek dakong alas-10:00 ng gabi ng Biyernes, ngunit hindi sinabi ng pulisya kung nasaan na ang mga ito.
Nagulat naman ang pamilya Yuson sa pasyang ito ng prosekusyon.
“Lahat naman na-shock. Kahit sinong abogado ‘yung tanungin mo diyan, highly irregular itong nangyari,” wika ni Atty. Edward John Marcaida, legal counsel ng pamilya.
“Siguro nakukulangan sila sa mga ebidensya kahit sandamakmak na yung mga witnesses natin.”
Kung maaalala, nitong Miyerkules nang tambangan si Yuson at ang dalawa nitong kasama sa Sampaloc, Manila habang nag-aalmusal.
Napatay sa insidente si Yuson, samantalang sugatan naman ang dalawang iba pa.
Sinampahan ng kasong murder at dalawang bilang ng reklamong frustrated murder ang apat na mga suspek.