Sinampahan na ng kaso ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang apat na suspeks na tinukoy na nasa likod umano nang pagpapakalat ng pekeng balita kaugnay sa COVID-19 na nagdulot ng panic sa publiko.
Kinilala ng PNP ang mga suspek na sina Fritz John Menguito, Sherlyn Solis at Mae Ann Pino na pawang residente ng Lapu-Lapu City at Maria Diane Serrano na residente ng Laguna.
Ayon sa ACG, nagpakalat daw ng maling balita ang apat na may nagpositibong pasyente sa COVID-19 at namatay sa kani-kanilang mga lugar.
Nahaharap ang mga ito sa kasong Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code at Section 6 ng Republic Act No. 10175 o mas kilala sa Anti-Cybercrime Law.
Dahil dito, hinimok ng PNP ang publiko na suriing maigi ang mga nakikita sa social media dahil hindi lahat ito ay totoo.
Siniguro naman ng PNP na hindi sila titigil hangga’t hindi nakikilala ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng mga fake news.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, pursigido ang PNP na mapanagot ang mga suspeks.
Nauna nang naaresto ang brgy tanod na si Vener Cortez ng Cabanatuan City na nagpakalat din ng umano ng fake news na mayroon nang COVID patient sa Palayan City, Nueva Ecija.