Hawak na ngayon ng PNP sa Region 3 ang apat pang mga suspek sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo, kabilang na ang mastermind sa krimen.
Ayon kay PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, unang nahuli ng PNP ang self-confessed gunman na si Omar Mallari sa Arayat, Pampanga noong nakaraang linggo sa kanilang isinagawang operations.
Arestado rin si Manuel Torres ang umano’y mastermind at siyang nag-finance o nagbayad ng P100,000 sa mga gunman para patayin ang pari.
Si Manuel ay tiyuhin ni Christopher Torres na suspek sa pag-rape sa tatlong menor de edad.
Naitala ang rape case noong March 2017 pero na-dismiss ito dahil ayaw nang ipagpatuloy ng mga biktima ang kaso.
Nakalaya naman ang suspek na si Christopher dahil sa pagbayad ng piyansa.
Sumuko sa PNP ang dalawa pang suspek na sina Rolando Garcia at Marius Alvis.
Nagbigay na rin ng kani-kanilang mga testimonya o judicial affidavit ang dalawa.
Inihayag naman ng PNP chief, isa sa tinitingnan nilang anggulo sa motibo sa pagpatay kay Fr. Nilo ay ang pagbuhay nito sa rape case.
Sinabi ni Albayalde nasa walong suspek na ang kanilang sinampahan ng kaso.
Ang pagkakaaresto naman sa self-confessed gunman at sa iba pang suspek ay indikasyon na hindi tumitigil ang PNP sa pag-imbestiga sa kaso.
Inamin ni Mallari sa kaniyang judicial affidavit na siya ang pumatay kay Fr. Nilo.
Sa testimonya naman ni Garcia, inihayag nito na si Manuel ang naghahanap ng tirador para patayin ang pari.
Una nang pinakawalan noong Biyernes ang umano’y principal suspek na si Adell Milan dahil sa mistaken identity.
Ayon kay PNP chief wala silang kasalanan kung bakit pinakawalan ang umano’y suspek na si Milan.
Aniya, nanindigan kasi sila sa testimonya ng sakristan na siyang nagturo na pumatay sa pari.
Sa ngayon, ang ilang mga impormasyon na ibinunyag ng mga suspek ay isinasailalim pa sa validation ng PNP.