CENTRAL MINDANAO – Apat na mga miyembro umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS inspired group) ang nadakip ng mga otoridad sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Nakilala ang mga suspek na sina Hassan Akgun, isang Swedish national; Abedin Camsa; Normia Camsa at Norshiya Camsa.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade na naaresto ang mga suspek ng Joint Task Force Central sa Sitio Nakan, Barangay Kapaya, Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Nasamsam sa apat na BIFF ang isang M16 armalite rifle, isang kalibre .45 na pistola, isang .38 revolver, isang 12-gauge shotgun, isang improvised explosive device (IED) 13 cellphones, 2 gallons powder substance; 2 machine timers; 4 9-bolts battery; 1 yellow bulb; 1 switch; isang bag na may laman na ISIS flag, 3 led bulbs, 2 USBs, 1 resistor, 5 assorted wires, mga bala at magazines.
Ang mga nahuli ay sangkot umano sa sunod-sunod na pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat.
Pinuri naman ni Western Mindanao command chief, Lieutenant General Cirilito Sobejana ang Joint Task Force Central at mga taong nagbibigay ng impormasyon sa matagumpay na pagkahuli ng mga suspek.
“Let us remain vigilant for there are still enemies out there who will always try to inflict havoc in the communities,” ani Lt. Gen. Sobejana
Ang mga nahuli na suspek at nasamsam na mga mga armas, bala, mga pampasabog at iba pa ay dinala sa Sultan Kudarat Provincial Police Office para sa dokumentasyon at pagsampa ng naaangkop na kaso.