CENTRAL MINDANAO-Patay ang apat na mga terorista sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.
Ang apat na mga rebelde ay nakilala na sina alyas Anding, Said, Bitol, at Habib,mga tauhan ni Kumander Ustadz Karialan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction).
Ayon kay 601st Brigade Commander Bregadier General Roy Galido na tinutugis ng 90th Infantry Battalion at 40th IB ang grupo ni Solaiman Tudon alyas Kumander Abu Jihad na umatake sa palengke ng Datu Paglas Maguindanao.
Namataan ng mga sundalo ang mga rebelde sa Sitio Linek Barangay Digal Buluan Maguindanao kaya sumiklab ang bakbakan sa magkabilang panig.
Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng bala ng tropa ng militar at BIFF.
Umatras ang mga rebelde nang pasabugan sila ng 81mm mortar ng mga sundalo.
Narekober ng mga sundalo at pulis ang apat na bangkay ng mga rebelde na iniwan ng kanilang mga kasamahan.
Nakuha naman sa posisyon ng apat na rebeldeng nasawi ang mga matataas na uri ng armas,mga bala,magazine,limang Improvised Explosive Device (IED) at mga sangkap sa paggawa ng bomba.
Ngunit sa pahayag ng ilang residente ay hindi umano BIFF ang mga nasawi at pawang mga sibilyan na tinamaan ng mortar shelling ng militar.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang BIFF sa bayan ng Buluan at Datu Paglas Maguindanao.