DAVAO CITY – Inihinto na ng rescue team ang kanilang operasyon para sa apat na mga menor de edad na na-trap sa gumuhong tunnel nitong Linggo ng umaga sa Purok 1, Brgy Kinamayan, Sto. Tomas, Davao del Norte.
Inihayag ni Sto Tomas City Administrator Atty. Eliza Evangelista-Lapena, sinumulan nitong Lunes ng umaga ang retrieval operation para sa mga biktima na sina Kayl Castaneres, Gerick Marquez, Dindo Panares, at Rustom Rancho na pawang mga residente ng Kapalong, Davao del Norte at umanon’y pawang mga menor de edad.
Napagdesisyunan umano ng Incident Command System at Emergency Medical Responders matapos ang kanilang assessement meeting kagabii at kinumpirma ng rescue team na wala nang signs of life sa ilalom ng gumuhong tunnel.
Inihayag ni Lapena na pinangangambahang patay na ang mga biktima makalipas ang 24 na oras na pagka-trap kung saan natabunan ang posibleng daanan ng hangin.
Una rito, gumuho ang tunnel alas-9:00 ng umaga ng Linggo ngunit ini-report lamang ng mga kasamahang treasure hunter ala-1:00 na ng hapon matapos hindi na nila makontrol ang sitwasyon.
Dagdag pa ni Lapena na nauna nang pinahinto ng barangay ang paghuhukay noong buwan ng Abril, pero palihim umanong pinagpatuloy.