Apat na posisyon lamang ang pupunan sa nakatakdang special elections ng Philippine Olympic Committee sa darating na Hulyo 28.
Sa isinagawang special meeting nitong araw ng Lunes sa POC headquarters sa lungsod ng Pasig, napagpasyahan ng POC board na ang mga posisyon lamang ng presidente, chairman at dalawang board members ang pagbobotohan sa halalan.
Paliwanag ni board member Roberto Mananquil, ito raw ay batay sa isinumiteng mga letter of resignations sa Executive Board.
Ayon pa kay Mananquil, ipinadala na ng Board sa International Olympic Committee at Olympic Council of Asia ang lahat ng mga written resignation ng mga opisyal na bumaba sa puwesto.
Aniya, ang mga opisyal na nagsabing magbibitiw rin sila ngunit hindi naman nagpasa ng liham ay hindi nila kikilalanin.
“No more [resignations] because the deadline was last Friday and all the letters of resignation were forwarded to the IOC/OCA, so only four [positions will be filled up],” ani Mananquil.
Kasabay nito, itinalaga rin ng POC Board si dating Commission on Elections Commissioner Rene Sarmiento upang pamunuan ang lupon na mangangasiwa sa eleksyon.
Kabilang din sa mga itinalaga ng Board si Fr. Victor Calvo ng Letran at isang kinatawan mula sa Philippine Dispute Resolution Center Inc.