-- Advertisements --

akg7

Patay ang apat na kidnappers sa isinagawang rescue operation ng PNP Anti-Kidnapping Group (PNP AKG) at nailigtas ang kanilang kidnap victim na isang Chinese national.

Inilunsad ang operasyon sa harap ng UP Town Center sa Quezon City kaninang madaling araw.

Ayon kay PNP AKG director Brig. Gen. Jonnel Estomo, isang Chinese na kinilalang si Li Cheng ang nagtungo sa tanggapan ng PNP AKG para humingi ng tulong dahil dinukot ng apat na kidnapers ang kanyang kaibigang si Zhi Fu.

Habang nagkikwento sa mga pulis, eksakto namang nagpadala ng mensahe ang mga kidnaper sa pamamagitan ng Wechat messages at nagdi-demand ng P20 milyon para sa paglaya nang kanyang kaibigan.

Sa pamamagitan din ng wechat messages natukoy ng mga pulis ang kinaroroonan ng mga suspek kaya isinagawa na ang rescue operation.

Pero nanlaban umano ang mga kidnaper hanggang sa mapatay ang mga ito.

Na-rescue naman ang biktimang si Zhi Fu.

akg8

Ayon pa kay Estomo, ang mga suspek ay miyembro nang tinaguriang Waray-Waray kidnap for ransom group na nag-o-operate sa Metro Manila at CALABARZON area.

Pinuri naman ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang matagumpay na operasyon ng PNP AKG na nagresulta sa pagka-rescue sa Chinese kidnap victim.

“These kidnappers are remnants of the “Waray-Waray” Group employed by the Chinese syndicate for kidnapping activities,” wika pa ni PNP chief.

Ayon kay Sinas, mahalaga na mai-report sa otoridad ang mga kaso ng kidnapping para agad ito matugunan at maaksiyunan.

“This is how kidnapping cases are swiftly and effectively solved when all involved parties report the incident and cooperate with police,” dagdag na pahayag ni Sinas.