-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Hindi na naisalba pa ang isang apat na taong gulang na babae sa lungsod ng Bacolod makaraang dinala ng kanyang mga magulang sa albularyo ngunit natuklasang nagkakasakit na pala ng dengue.

Ang paslit mula sa Barangay Mansilingan ay pinakahuling nagdagdag sa mga namatay dahil sa dengue sa Bacolod ngayong taon na umabot na sa apat.

Batay sa datos mula sa Bacolod City Health Office, namatay ang bata nitong Hulyo 5.

Tatlong araw umano na nilagnat ang biktima kaya’t dinala ng kanyang mga magulang sa quack doctor.

Nang lumala ang pakiramdam ng bata, dinala ito sa ospital ngunit idineklarang dead-on-arrival.

Mula Enero 1 hanggang Hulyo 6, umabot na sa 561 ang kabuuang dengue cases sa siyudad.

Ito ay mas mataas ng 57 percent kung ikumpara sa 353 cases na narekord sa parehong period nakaraang taon kung saan tatlo ang patay.

Mula sa 61 barangay sa lungsod, ang Estefania pa rin ang may pinakamaraming kaso na umabot sa 67, sinusundan ng Tangub at Pahanocoy na may tig-39, habang pangatlo naman ang Taculing na may 38.