-- Advertisements --

ZAMBOANGA CITY – Umaabot na sa kabuuang 40 mga aktibong kasapi ng teroristang Abu Sayyaf ang boluntaryong sumuko sa tropa ng militar sa area ng Western Mindanao simula noong buwan ng Enero ng kasalukuyang taon.

Inihayag ni Western Mindanao Commander (WestMinCom) Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., sa nasabing bilang nasa 24 ang nagmula lalawigan ng Basilan, 11 sa Tawi-Tawi at lima naman mula sa Sulu.

Sinabi ni Galvez na kahit maliit pa lamang ang bilang ng mga Abu Sayyaf na nagbalik loob sa pamahalaan mula sa lalawigan ng Sulu subalit itinuturing nila itong isang malaking “accomplishment” sa kanilang hanay dahil ang mga terorista dito ay ang mga “notorious bandits” at hindi madali na kumbinsihin na sumuko sa gobyerno.

Kamakailan lamang ay kinumpirma ni Galvez na isa umano sa mga may planong sumuko sa militar sa Sulu ay ang kilalang notoryos na senior leader na si Radullan Sahiron dahil na rin sa kanyang katandaan.

Nahihirapan din umano ito sa pananatili sa bundok sa kasagsagan ng intensified operation ng militar.

Subalit isa umano sa mga hiling ni Sahiron kung sakaling tuluyan siyang susuko ay huwag siyang ibigay sa gobyerno ng Amerika at ang gusto nito na mananatili siya sa kustodiya ng mga otoridad sa bansa.

Matatandaan na si Sahiron ay may patong sa ulo na $1 milyon na inilagay ng gobyerno ng Amerika para sa kanyang pag-neutralize.

“The Abu Sayyaf members from Sulu are among the most notorious and among the most difficult to go after; however, this recent accomplishment only proves that the landscape in the area is indeed changing,” pahayag pa ni Gen. Galvez.

Kasunod nito, marami na rin sa mga high powered firearms ng mga Abu Sayyaf ang napasakamay na  ng gobyerno na kasama nilang isinusuko.

Kabilang sa ga sumuko ang ilang tumatayong sub-leader ng grupo at  isinasangkot sa mabibigat na krimen katulad na lamang ng kidnapping at pamumugot.

Ayon sa opisyal, positibo ang kanyang pananaw na magtatagumpay sila sa kanilang kampanya kontra sa Abu Sayyaf sa tulong na rin ng iba pang mga law enforcement units kagaya ng Philippine National Police (PNP) at ang mga provincial government units.

“We will continue to pound on the remaining Abu Sayyaf members until we get the last of them. With the solid support and backing we are getting from the Local Government Units, the traditional and religious leaders, from the MILF and the MNLF, we are positive that we will all be successful in this fight against terrorism,” dagdag pang pahayag ni Galvez.