-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Tinatayang milyong piso na halaga na naman ng 40 bloke ng suspected cocaine ang natagpuan ng tatlong mangingisda sa karagatan ng Burgos, Surigao del Norte, kahapon ng alas-4:30 ng hapon.

Ayon kay Police Chief Master Sergeant Marcelo Ipan Sr., ng Burgos Municipal Police Station sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, dalawa sa 40 mga bloke ay nabasa na ngunit buo pa ring natagpuan.

Nakabalot ito sa fishnet kung saan ang bawat isa ay may tatak na PV Bugatti.

Dinala na kaninang madaling araw ni Police Captain Carter Yamba, hepe ng Burgos Municipal Police Station, ang nasabing mga bloke ng cocaine sa Surigao del Norte Police Provincial Office at idederetso sa Police Regional Office-13 sa Butuan City para sa tamang disposisyon.