DAGUPAN CITY – Umaabot sa halos 40 buhay na baboy ang nasabat ng Pozorrubio-Philippine National Police sa isinagawa nilang checkpoint.
Ang hakbang ay kasunod ng inilabas na Executive Order ni Pangasinan Gov. Amado “Pogi” Espino III upang pansamantalang ipagbawal ang pagpasok at paglabas sa lalawigan ng mga baboy at mga produkto mula rito.
Kaugnay pa rin ng hindi pa maipaliwanag na pagkamatay ng mga alagang baboy sa tatlong barangay sa Rodriguez, Rizal partikular sa San Isidro, San Jose at Macabud.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Police Major Rommel Bagsic, chief of police ng Pozorrubio Police Station, na matapos maipalabas ang naturang kautusan, nakahuli sila ng 16 na baboy sa unang checkpoint habang karagdagang 23 pa sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon.
Sa ngayon ay naipasakamay na aniya nila sa kinauukulang ahensya para sa quarantine ng mga nasabat na baboy.
Dagdag pa ni Bagsic, ang unang mga naharang ay galing sa Tarlac, papasok sa probinsya, at nakatakda sanang dalhin sa Baguio City.
Ang ikalawang nasabat ay galing naman sa bayan ng Balungao na walang kaukulang papeles at nakatakda sanang dalhin sa lalawigan ng Benguet.