Nag-deploy ang People’s Republic of China ng labis na pwersa ng kanilang mga barko sa pagtatangkang harangin ang lehitimong humanitarian operation ng Pilipinas sa Escoda shoal.
Sa isang statement na ibinahagi ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, sinabi nito na idineploy ng China ang nasa kabuuang 40 barko kabilang ang 6 na China Coast Guard vessels, 3 People’s Liberation Army Navy warships at 31 Chinese maritime militia vessels na nasa bisinidad ng Escoda shoal.
Bunsod nito, hindi maayos na naihatid ang mahahalagang suplay kabilang na ang special ice cream treat sana mula sa Commandant ng PCG bilang pagpupugay kasabay ng National Heroes’ day kahapon
Sa kabila nito, hindi natitinag ang PCG sa pag-uphold sa pambansang interes at pagtiyak sa seguridad ng mga karagatan ng ating bansa. Hinimok din ng PCG ang China Coast Guard na sundin ang international law at itigil na ang pagpapadala ng maritime forces na makakasira sa mutual respect sa pagitan ng mga Coast Guard.
Una rito, nitong araw ng Lunes hinarang ng mga barko ng China ang 2 PCG vessels na BRP Cabra at BRP Cape Engaño na magdadala sana ng mga pagkain at iba pang suplay para sa mga personnel na nakaistasyon sa BRP Teresa Magbanua na nagbabantay sa Escoda shoal mula pa noong Abril ng kasalukuyang taon.