Hindi pa makumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa 40 na mga banyagang terorista ang kasamang nakikipaglaban ngayon sa Maute terror group sa Marawi City.
Una ng inamin ng militar na may mga Malaysian, Singaporean at Indonesian nationals ang na monitor na kasama ng Maute terror group.
Ayon kay AFP Spokesperson BGen. Restituto Padilla, na pina-process na ngayon ng intelligence community para matukoy ang mga pagkakakilanlan ng mga nasawing banyagang terorista.
Aminado ang militar na hirap silang matukoy kung mga banyagang terorista ang ilan sa mga casualties dahil magkakapareho ang hitsura at walang mga identification ang mga ito.
Giit ni Padilla na kailangan nilang magkaroon ng pruweba bago nila ianunsiyo ang bilang ng mga nasawing foreign terrorists.
Hanggat hindi pa tapos sa pag proseso ang AFP hindi nila masabi kung ilang mga banyagang terorista ang kasama ng Maute.
Positibo ang militar na malapit ng matapos ang labanan sa Marawi at kontrolado na ng militar ang sitwasyon
Ibinunyag din Padilla na madaming mga narekober na mga materials ang militar sa combat area bukod sa mga baril.
Una ng nakilala ng militar ang 12 teroristang Maute na nasawi at anim dito ay mga foreign terrorists.
Sa ngayon pumalo na sa 65 terorista ang nasawi 42 dito ay body count 23 dito ay batay sa witness account.
Sa panig naman ng pamahalaan nasa 20 na ang nasawi 17 sundalo at 3 pulis, habang 72 ang sugatan.