Patay ang nasa 40 katao habang 60 indibidwal naman ang sugatan sa inilunsad na strikes ng Israeli forces sa isang operations centre sa Khan Younis na pinaniniwalaang pag-aari ng Hamas fighters ayon sa Israeli Defense Forces.
Gumawa umano ang Israel military ng mga hakbang para maiwasang madamay ang mga sibilyan.
Marami pa ang kasalukuyang nirerescure na natabunan ng mga durog na bato kasunod ng pag-atake.
Ayon sa ilang nakasaksi sa insidente, sumiklab ang malaking pagsabog sa Al-Mawasi area sa nakalipas na hatinggabi.
Sa ibinahaging impormasyon naman ng tagapagsalita ng IDF sa telegram, sinabi nitong inatake nila ang pangunahing terorista ng Hamas na nago-operate sa command and control complex na nagbabalat kayo bilang humanitarian area sa Khan Younis.
Sa panig naman ng Hamas, pinabulaanan nila ang claims ng Israeli military at tinawag na isang lantarang kasinungalingan.
Una rito, nasa libu-libong mga Palestino na na-displace ang nagtungo sa Khan Younis simula ng ilunsad ng Israel ang opensiba nito sa naturang teritoryo noong Oktubre ng nakalipas na taon.