Marami pa rin ang mga Pilipinong nagsasabing mas naging mahirap pa ang kanilang buhay ngayon kumpara noong nakaraang taon.
Batay sa 2021 fourth quarter survey ng Social Weather Stations (SWS), 40 porsyento ng mga Pilipinong nasa hustong gulang na ang nagsasabing mas lumala pa ang kanilang paghihirap, habang nasa 24% naman ang “gainers” o ang may sabing gumaan ang kanilang pamumuhay ngayong taon, at 36% naman ang nagsasabing wala pa rin itong pinagbago kumpara noong nakaraang taon.
Ang naturang porsiyento ng “gainers” ay nagresulta sa -16 na Net Gainer score nito na inuri naman ng SWS na katamtaman.
Mas mataas ito ng 28 points mula sa dating -44% na naitala naman noong third-quarter noong 2021, ngunit mas mababa pa rin ito ng 34 points kumpara sa mga naitala noong pre-pandemic level kung saan ay pumapalo sa +18% ang naitatala noong fourth-quarter ng 2019.
Ayon sa SWS, ang nasabing 28 point na itinaas ng national Net Gainer score sa ikatlong bahagi ng 2021 ay dahil sa naging improvement ng lahat ng geographic areas sa bansa, lalo na sa Metro Manila at Mindanao.
Isinagawa ang Fourth Quarter 2021 Survey ng ahensya mula Disyembre 12 hanggang 16 noong 2021, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,440 na mga Pilipinong nasa hustong edad na sa buong bansa.