Patuloy na tumatanggi ang nasa 40 Pilipinong nurse at engineers sa Tripoli, Libya na sumunod sa apela ng pamahalaan na evacuation sa gitna ng nangyayaring civil war sa naturang North African country.
Nabatid na muling inalok ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Libya ng kanilang repatriation program ang 40 nurse at engineers, subalit tumanggi ang mga ito na tanggapin ang nasabing alok.
Ayon sa DFA, tiniyak naman ng Philippine foreign officials na ligtas pa rin hanggang sa ngayon ang mga OFWs sa kabisera ng Libya.
Batay sa mga datos, aabot sa 2,000 Pilipino ang nasa Libya, at kalahati rito ay nagtatrabaho sa Tripoli at mga kalapit na lugar.
Magmula nang itaas ng DFA ang alert level 4 noong nakaraang buwan sa sitwasyon sa Tripoli, 55 OFWs pa lamang ang nag-avail sa repatriation program ng pamahalaan.