NAGA CITY – Aabot sa higit 40 pasahero ang stranded ngayon sa pantalan sa Pasacao, Camarines Sur dahil sa ulan at hangin na dulot ng sama ng panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Camarines Sur station commander Ensign Bernardo Pagador Jr., na pawang mga pasahero patungong San Pascual, Masbate ang hindi muna pinayagang maka-biyahe.
Mismong PCG-Masbate na raw ang nag-kansela sa biyahe ng mga sasakyang pandagat patungo sa kanila dahil hindi maganda ang lagay ng karagatan.
Aminado si Pagador na lolobo pa ang bilang ng mga stranded lalo na’t may binabantayan na Low Pressure Area sa silangan ng Bicol region.
Hamon din daw ang pagiging inactive ng kanilang command center dahil hindi nila mamonitor ang kabuuang sitwasyon ng lalawigan.
Nag-abiso na umano ang PCG sa local government units para paalalahanan ang coastal areas at mangingisda.