-- Advertisements --

Nakalikas na ang nasa mahigit 40 mga Pilipinong nasa kabisera ng Ukraine na Kyiv patungo sa western city nito na Lviv at kasalukuyan nang naghihintay ng repatriation.

Ayon kay Philippine Ambassador to Warsaw Leah M. Basinang-Ruiz, handa ang Embahada ng Pilipinas na tulungan ang mga Pilipinong naipit sa kaguluhan sa Ukraine na makapasok Poland para makasakay ang mga ito sa kanilang flight pabalik sa Pilipinas.

Sinabi ito ng Ambassador kasabay ng kanilang malugod na pagtanggap kasama ang iba pang opisyal ng embahada sa Warsaw sa mga Pinoy evacuees na dumating sa lugar.

Nagsasagawa kasi ngayon ng free repatriation flights sa borders ng Poland ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga indibidwal na gustong umuwi sa Pilipinas dahil kasalukuyan nang sarado ang lahat ng mga paliparan sa Ukraine.

Nagpapatuloy din ang pakikipag-ugnayan ng naturang embahada sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) ng DFA upag magbigay ng tulong sa mga Pilipinong apektado ng krisis.

Samantala sa isang statement, sinabi pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) na marami pa sa ating mga kababayan ang inaasahang darating sa Lviv sa mga susunod na araw sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Patuloy naman ang isinasagawang panghihikayat ni DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola sa mga kababayan natin sa Ukraine na makipag-ugnayan ang mga ito sa embassy o sa Honorary Consulate sa Kyiv upang mabigyan ang mga ito ng kaukulang tulong tulad na lamang ng repatriation o care packages at financial aid.