Nasa 40 players at staff members ng Major League Baseball ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng nakalipas na linggo dahilan para malagay sa balag ng alanganin ang inaasahang pagbabalik sa laro ng liga.
Batay sa ulat, bunsod ng pagtaas sa bilang ng manlalaro na nagpopositibo sa COVID-19, pinapaspasan na umano ang negosasyon sa pagitan ng manlalaro at team owners upang maumpisahan na ang framework sa pagbabalik sa laro ng liga na orihinal na itinakda noon pang Marso.
Ngunit nakapigil sa maagang pagbabalik ng liga ang pag-urong sa botohan ng players union kung papayag o hindi sa mungkahi na 60-game season kung saan tatanggap ang mga manlalaro ng ilang porsiyento ng suweldo kada laro.
Medyo naging mabigat ang negosasyon dahil nais ng may-ari ng teams na hindi lang gawing hati-hati ang sahod bagkus nais pa nitong porsiyento lang ng sweldo ang ibigay sa manlalaro sa bawat games.
Akala ni MLB commissioner Rob Manfred ay naplantsa na nila ang negosasyon para makabalangkas na sila ng “framework” para sa kasunduan na bayaran ang manlalaro kada laro sa 60-game season.
Pero kumontra ang mga players sa 60-game season at iminungkahing gawin itong 70 games.
Ayon kay Manfred, imposible ang 70-game dahil ang 60-game nga umano ay mahihirapan na sila dahil sa problema sa pandemya.
Malabo pa sa ngayon kung ano ang magiging epekto ng coronavirus sa plano ng MLB na pagbubukas ng laro kung saan walang fans na papayagang manood.