-- Advertisements --

Hindi bababa sa 40 social media personalities ang ipinatawag bilang resource person sa unang public hearing ng House Tri-Comm kaugnay ng pagkalat ng fake news at disinformation sa bansa.

Ang pagdinig ay itinakda sa Pebrero 4, 2025, at isasagawa ng Committees on Public Order and Safety, Public Information, at Information and Communications Technology.

Binigyan-diin ni Laguna Rep. Dan Fernandez, ang mangunguna sa pagdinig, ang kahalagahan na masuri ang pagpapakalat ng maling impormasyon online at ang epekto nito sa pang-unawa ng publiko at pambansang seguridad at ang paggawa ng mga hakbang upang malabanan ito.

Sinabi ng chairman ng House Committee on Public Order and Safety na dapat maprotektahan ang bawat Pilipino laban sa maling impormasyon.

Ang mga inimbitahang social media personalities ay tumatalakay sa iba’t ibang isyung pampulitikal ng bansa.

Ipinatawag din sa pagdinig ang mga kinatawan ng Google, Meta (Facebook), at ByteDance (TikTok), gayundin ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation, Philippine National Police, and the Department of Justice, upang matakay ang mga hamon sa regulasyon laban sa online disinformation.

Sinabi ni Fernandez na mahalagang matukoy ang mga kahinaan sa kasalukuyang batas at polisiya at mabantayan ang digital platform at makagawa ng solusyon upang masiguro na tama ang impormasyong nakukuha ng publiko.

Sinabi ng mambabatas na hindi hahayaan na lamang ng Kamara ang mga misinformation campaign par sa politikal at pinansyal na interes.

Inaasahan na tututukan din ng mga miyembro ng Kamara ang pagpapalakas ng mga panuntunan upang magkaroon ng pananagutan at mapatawan ng parusa ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon.

Ang live stream ng pagdinig ay maaaring mapanood sa iba’t ibang social media platform at inaasahan ng mga mambabatas na makalilikha ito ng malawakang diskusyon kaugnay ng papel ng social media sa paghubog ng pananaw ng publiko.