-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Umabot sa 40 iba’t ibang klase ng vintage bomb ang nahukay ng mga kasapi ng Provincial Explosives Ordnance Division ng Isabela katuwang ang Cauayan City Police Station sa isang junkshop sa barangay Nungnungan 2, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Oliver Salamero, provincial head ng Provincial Ordnance Division, mayroon pang kakayahan na sumabog at delikado ang mga narekober na vintage bomb.

Aniya, nagsimula ang kanilang operasyon nang inatasan sila ng kanilang nakakataas na bisitahin ang lahat ng mga junkshop dahil sa mga insidente ng pagsabog ng vintage bomb.

Nakatanggap naman ng impormasyon ang kanilang himpilan tungkol sa naibaon na pampasabog sa Harvey’s Junkshop sa lunsod ng Cauayan.

Noong una ay inakala nilang isa lamang ang naihukay sa lugar pero sa isinagawa nilang operasyon ay napag-alaman na marami pa ang nakahukay.

Ayon kay PLt. Salamero, high risk explosives ang mga nahukay nilang vintage bombs kaya ididispose nila ito nang maayos at ipapasakamy sa kanilang National Headquarters.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Harris Paggao, may-ari ng Harvey’s Junkshop, ibinenta sa kanilang mga tauhan na nangangalakal sa lungsod ng Cauayan, Cagayan at Ilocos Region hanggang sa maipon ang mga pampasabog.

Minabuti nilang ipunin at sama-samang ibaon ang mga ito sa hukay na may lalim na limang metro.

Katunayan aniya ay ilang beses na rin niya itong idinulog sa mga awtoridad.