Inabot ng 40 taon bago muling nasungkit ng runner mula sa Amerika ang prestihiyosong New York Marathon.
Naging daan ang dating Olympic medalist na si Shalane Flanagan upang pagharian ang kompetisyon at maagaw ang korona sa three-time defending champion Mary Keitany ng Kenya sa unofficial time na 2 hours, 26 minutes at 53 seconds.
Ang marathon ay isinagawa sa kabila ng halloween terror attack noong nakaraang linggo sa Lower Manhattan kung saan walo ang patay at marami ang sugatan.
Hindi inalinta ng mga kalahok ang pangyayari kung saan inabot sa 50,000 runners ang sumipot habang tinatayang nasa dalawang milyong katao ang bumuhos sa mga kalsada na inikot ang 26 milya ng kompetisyon.
Naiyak naman si Flanagan, 36, nang mag-cross sa finish line habang bitbit ang Stars and Stripes na American flag.
“It takes a village to make a dream a reality. Thank you to my @bowermantc teammates and coaches,” ani Flanagan sa isang statement.
Bago ito noon pang taong 1977 ng isang babaeng Japanese-American na si Miki Gorman ang nagbulsa ng kanyang ikalawang NYC Marathon title.
Samantala, ang huli namang lalaking American runner na nanalo sa race ay si Meb Keflezighi, noong 2009.
Bago ang panalo ni Flanagan siya ang may hawak sa American records sa 3,000-meter indoor at 5,000-meter indoor races.
Nagbulsa rin siya ng bronze medal sa 10,000-meter noong 2008 Olympics.
Pero noong buwan ng Marso nag-anunsiyo ang International Association of Athletics Federations na ang silver medalist na si Turkey’s Elvan Abeylegesse ay disqualified matapos magpositibo sa doping.
Dito na umakyat si Flanagan para sa silver medal bilang may second-fastest time.