Posible umanong magiging problematic ang halalan ngayong taon dahil sa mga pumalyang vote counting machine (VCM).
Sa press conference na ipinatawag ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, sinabi nitong aabot na raw kasi sa 400 hanggang 600 ang pumalyang VCM.
Karamihan daw sa naging problema sa VCM ay ang mga SD o memory cards.
Pero ginagawa na raw ng Comelec ang lahat para maresolba ang naturang problema.
Mayroon naman daw naka-standby na 10,000 VCM na gagamiting replacement sa mga pumalyang makina.
Idinipensa naman ni Jimenez ang mga naitalang aberya at sinabing sa una pa lamang ay hindi naman umano sinabi ng Comelec na magiging perpekto ang halalan.
Sa dami rin daw ng VCM ay posible talagang may magkaaberya rito.
Ngayong halalan aabot sa 85,000 ang mga VCM na gagamitin sa halalan.
Sa ngayon, kasama raw sa iimbestigahan ng Comelec ang isyu ng paggamit noong 2016 sa mga VCM kung ito ang dahilan ng naitalang aberya dahil may kalumaan na ang mga makina.
Sa overseas absentee voting naman, sinabi ni Jimenez na ang mga balota na ipinadaan sa mga postal mode ay naipadala na ng 100 percent ngayong araw.
Sa kaso nang nagkaaberyang VCM sa polling precinct ni dating Vice President Jejomar Binay, sinabi ni Atty. Frances Arabe, Director III ng Comelec Education and Information Department (EID), nadiskubreng madumi ang balota nito matapos malaglag sa sahig nang dumugin ito sa polling precinct.
Sinabi ni Jimenez na base sa statistics, kaugnay ng pagbubukas ng mga polling precincts, lahat ay nakapagbukas naman ng maayos, maliban sa ilang mga polling precincts.
Kabilang dito ang polling precinct sa Isabela sa Region 2; ilang presinto sa Zambales; lahat ng polling precinct sa Region 4-A at 4-B; Region 7 maliban sa Naga City; Region 8 maliban sa Samar.
Sa Mindanao lahat ng clustered precinct; Region 12 maliban sa Sultan Kudarat.