Ibinulgar ng Ukrainian officials ngayong araw base sa kanilang hawak na paunang impormasyon na aabot sa 400 bangkay ng mga sibilyang Ukrainians ang natagpuan sa Kyiv region.
Ayon kay Interior Ministry adviser Vadym Denysenko narekober ang mga bangkay sa Bucha, Irpin at Hostomel subalit ang naturang bilang aniya ay preliminary pa lamang.
Pinangangambahan ngayon na patuloy pa itong madaragdagan kasunod ng pagre-treat o umurong ng mga Russian forces sa lugar.
Sa isang televised remarks, sinabi ni Ukrainian Interior Minister Denys Monastyrskiy na naantala ang pag-rescue sa mga residente sa ilalim ng Russian occupation dahil sa itinanim na mina sa lugar.
Umapela na rin si Ukrainian Foreign Minister Dmytro Kuleba sa International Criminal court (ICC) na imbestigahan ang pagpatay sa mga sibilyan sa Bucha, northwest ng Kyiv.
Inakusahan ni Kuleba ang Russian forces sa pagkamatay ng daan-daang sibilyan habang sinusubukang kubkubin ang lugar na kalaunan ay umatras.
Ayon sa alkalde ng naturang bayan, natagpuan ang katawan ng mga sibilyan nagkalat sa mga kalsada.
Base sa ilang report mayroong mass grave o libingan ng mga namatay sa Bucha kung saan inihayag ng alkalde na nasa tinatayang 300 biktima ang inilibing sa site.
Nagpahayag din ng mariing pagkondena ang mga lider ng European Union at NATO sa pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan at nananawagan para sa accountability at imbestigasyon sa war crimes laban sa Russia na itinanggi naman at sinabing war propaganda lamang ang naturang akusasyon.