CENTRAL MINDANAO – Nadagdagan na naman ngayon simula noong buwan ng Enero 2020, ang kaso ng dengue sa lalawigan ng Cotabato.
Base sa huling datos ng Integrated Provincial Health Office (IPHO-North Cotabato), umaabot sa 407 dengue cases ang naitala sa probinsya kung saan karamihan sa mga ito ay nagmula sa Matalam (42 cases), Libungan (40 cases) at Kidapawant City (40 cases).
Pinakabata sa mga ito ay sanggol pa lamang at ang pinakamatandang nagkaroon ng sakit na ito ay may edad 93-anyos.
Nasa tatlo katao naman ang namatay dahil sa dengue kung saan dalawa rito ay mula sa Matalam at ang isa naman ay mula sa bayan ng M’lang.
Dagdag pa ng IPHO, walang clustering ng mga kaso ng dengue ang naitala sa lalawigan pero iniimbestigahan na nila ngayon ang umano’y 13 kaso mula sa Brgy. Ginatilan sa Kidapawan City.
Dahil dito, sinimulan nang muli ng IPHO ang fogging at spraying sa iba’t ibang mga lugar sa lalawigan, una na rito ang bayan ng Makilala, upang mapuksa ang mga lamok na may dala ng dengue.
Muling nananawagan ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa publiko, ngayong panahon na naman ng tag-ulan na mas dapat nating ugaliin at sundin ang 4-S Strategy laban sa sakit na dengue: “Seek and destroy; Self-protection measures; Seek early consultation; at Say no to indiscriminate fogging.”