BAGUIO CITY – Nadiskubre ng Commission on Elections (Comelec) na aabot sa 400 na empleyado ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ay inactive voters.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay city election officer Atty. John Paul Martin, nadiskubre niya ito nang hiniling niya ang listahan ng mga empleyado sa city hall na kasama sa indigenous peoples para sa pag-update ng data ng komisyon.
Ikinumpara aniya ang nasabing listahan sa kanilang database at nakita nila na maraming empleyado sa city hall ang inactive voters o mga hindi bomoto ng dalawang beses.
Paliwanag ng ilan sa mga ito, hindi na sila bomoto dahil sa takot na magagalit sa kanila ang mga kandidato sakaling malaman na hindi nila ibinoto ang mga ito.
Gayunman, iginiit ni Atty. Martin na wala namang nakakaalam kung sino-sino ang ibinoto ng isang botante at hindi rason ang impartiality para hindi sila bumoto.
Dinagdag niya na dapat maging modelo ang mismong mga government employees dahil pangit tignan na mismong taga-gobyerno na nagkakampanya ng pagbabago ay hindi pala rehistrado at hindi bomoboto.
Dahil dito, plano ng Comelec-Baguio na magsagawa ng offline registration sa City Hall para sa mga nasabing empleyado at isusunod nila ang mga GOCCs, national line agencies at local agencies.