Kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang sunod-sunod na pag-resign ng 400 engineer ng ahensiya sa nakalipas na anim hanggang walong buwan.
Paliwanag ni Dizon, ilang mga administrative problem tulad ng pagkaka-delay ng sahod, ang nagtulak sa mga inhinyero na tuluyang umalis sa ahensiya.
Mataas ang demand sa mga inhinyero aniya, dahil na rin sa kanilang skills, kayat marami sa kanila ang inaalok na magtrabaho sa pribadong sektor, kasama na ang alok na mas mataas na sahod.
Dahil dito, hinihikayat ng kalihim ang mga nalalabing empleyado ng DOTr na magpatuloy lamang sa kanilang trabaho at manatili sa ahensiya.
Tiniyak din nitong tutuldukan na ang mga problema sa pagkakadelay ng sahod at iba pang kahalintulad na problema.
Ayon pa sa kalihim, kailangan nang masolusyunan ito ng DOTr upang magiging mas maayos ang paggampan nito sa nakalaang mandato – bagay na matututukan aniya sa pagpasok ng bagong team.
Giit ni Dizon, ang mga empleyado ang prayoridad ng DOTr dahil hindi niya kayang gampanan o gawing mag-isa ang lahat ng mga proyekto ng ahensiya.