Umakyat na sa limang katao ang kumpirmadong patay sa magnitude 6.6 na lindol na tumama sa ilang lugar sa Mindanao kahapon.
Una nang lumutang ang inisyal na impormasyon na ansa pito na ang nasawi.
Dalawa ang naiulat na nawawala habang umabot na sa 394 ang mga sugatan.
Ito ang kinumpirma ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal.
Ayon kay Timbal, isang babae mula sa Cotabato at isang lalaki mula sa Davao del Sur ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi.
Nabagsakan ng falling debris ang babae habang ang lalaki naman ay nadaganan ng gumuhong pader.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ang pangalan ng dalawang biktima dahil nagpapatuloy pa ang beripikasyon ng NDRRMC.
Samantala, dahil sa malakas na pagyanig kahapon, nagtaas na ng alerto ang dalawang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council sa Mindanao.
Ayon kay Timbal, nagdeklara na ng red alert status ang Regional DRRMC 11 at Region 12.
Habang naka-blue alert status naman ang DRRMC ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ibig sabihin mas palalakasin ang koordinasyon ng council sa mga member agencies at magiging bukas 24 oras ang operations center.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang pangangalap ng impormasyon ang rapid assessment team para sa bilang ng mga bahay, gusali at iba pang istruktura na nasira sa pagyanig.