Aprubado na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang request ng Department of Agriculture (DA) na magpadala ng 400 sundalo sa Pampanga para tumulong sa pagkatay sa mga manok na apektado ng bird flu.
Ayon kay AFP public affairs office chief Col. Edgar Arevalo, ipadadala na bukas, araw ng Huwebes, ang paunang 100 mga sundalo na manggagaling sa Northern Luzon Command.
Bukas din nakatakda ang deployment ng mga sundalong tutulong para masugpo ang pagkalat ng avian flu.
Sinabi ni Arevalo na isasailalim muna sa briefing ang mga idedeploy na sundalo at tiniyak na mabibigyan ng sapat na proteksyon bago sumabak sa pagpatay sa mga may sakit ng manok.
Sa kasalukuyan, umakyat na sa 600,000 manok sa Pampanga ang target ng mga otoridad na papatayin at ilibing sa lupa.
Kanina ay nagpulong ang AFP at DA kaugnay sa nasabing request.