Aabot sa higit 4,000 locally stranded individuals (LSIs) ang target ng pamahalaan na maihatid sa ilalim maramihang send-off na gagawin bukas, araw ng Sabado.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya kahit may hawak na medical clearance certificate at travel authority ang mga ihahatid na LSIs, ay nasa kamay pa rin ng receiving local government units ang desisyon kung ipapa-test nila ang mga darating na kababayang na-stranded dito sa Metro Manila.
Hindi pa raw kasi inaaprubahan ng Inter-Agency Task Force ang mandatory swabbing test sa mga LSIs.
“Pagdating nila sa kanilang mga probinsya ay pwede rin mag-impose ng kani-kanilang health protocols ang ating mga LGUs. At kung gugustuhin nila mag-conduct ng RT-PCR (swab) test ay pwede rin nilang gawin ‘yon.”
“Ang vigilance ngayon is on both ends. Dito sa Metro Manila for example, we require the medical clearance certificate at travel authority at ipinapaalam sa mga LGUs na papauwi na sila. Pagdating sa kanila (LGUs) they should also do their own checking.”
Dahil sa ipinatutupad na moratorium, wala munang ihahatid na LSIs sa Visayas. Bukas, unang ise-send off ang mga LSIs na taga-Mindanao, at sa linggo ay ang LSIs mula sa ibang bahagi ng Luzon.
Nakahanda na raw ang nasa higit 100 bus, tatlong barko, isang tren at eroplano na maghahatid sa mga LSIs.
Sa huling tala ng ahensya, 177 LSIs ang kasalukuyang namamalagi sa Villamor Airbase Elementary School.
Nasa higit 700 naman ang nasa Philippine Army Gym, samantalang higit 200 ang naitalang naghihintay sa Manila North Harbour.
Ang Philippine Ports Authority una nang nagpatuloy ng pitong pamlya sa kanilang gusali habang hinihintay ang kanilang biyahe pauwi ng probinsya.
Nilinaw naman ni Usec. Malaya na kahit ang mga LSIs na hindi pansamantalang nanunuluyan sa mga nabanggit na pasilidad ay maaari ring sumali sa repatriation program ng gobyerno.
“Mayroon tayong mga programa na iba’t-ibang ahensya ang nago-organisa at mayroon ding progama ang national government throught the Presidential Management Staff na tinatawag na ‘Hatid Tulong Initiative…’ Nakikipag-coordinate tayo sa mga LGUs. It’s up (to the LGUs), kumukuha tayo ng mga pangalan ng mga gustong mapasama sa tulong na ito.”