![image 51](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/11/image-51.png)
Umaabot sa mahigit 4,000 pasyente ang naitalang nilapatan ng lunas sa mga pangunahing sementeryo pa lamang sa panahon ng paggunita ng Undas.
Ayon sa Philippine Red Cross, nagtalaga sila ng Emergency Medical Services (EMS) teams mula pa noong huling bahagi ng Oktubre.
Kaya naman, posibleng madagdagan pa umano ang bilang na 4,276 pasyente hanggang sa pagtatapos ng mga aktibidad mamaya sa mga sementeryo.
Walo sa 4,276 na mga pasyente ang dinala sa mas malalaking medical facilities dahil sa seryosong kondisyon ng kanilang kalusugan.
Kasama sa mga pangunahing kaso ang pagkahilo, panghihina ng katawan, pagsusuka, posibleng bali ng binti, seizure, at contusion.
Ang mga maliliit na kaso ay binubuo ng pananakit ng ibabang bahagi ng likod, abrasion, sprained ankle, pananakit ng tiyan, paso sa kamay, hypoglycemia, panghihina ng katawan, mataas na presyon ng dugo, laceration at sakit ng ulo.
Pinuri naman ni PRC Chairman at CEO Richard “Dick” Gordon ang kanilang volunteers na matiyagang nagbantay at tumugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.
Kabuuang 1,808 tauhan ang nai-deploy para magpatakbo ng 303 first aid stations, 80 ambulance units, at pitong emergency vehicles. Ang mga foot patrol unit at roving units naman na binubuo ng mga trained health workers ay naka-deploy din sa loob ng mga sementeryo.
Nagtayo rin ang PRC ng 38 welfare desks, para sa ibang concern ng mga tao.
Samantala, hinikayat naman ni PRC Secretary general Gwen Pang ang bawat pamilya, mga asosasyon at iba pang grupo na magkaroon ng kinatawan na magsasanay para sa first aid, upang mabilis na matugunan ang mga medical emergency sa lalong madaling panahon, nang hindi na hihintayin pa ang rescuers mula sa mga lokal na pamahalaan.