-- Advertisements --

KALIBO, Aklan-Sisimulan na ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang paghahanda ng vaccination sites, pagsasagawa ng simulation exercises at maraming iba pa.

Kasunod ito sa inaasahang pagdating sa isla ng Boracay ng nasa 40,000 doses ng Sinovac vaccine.

Sa isang panayam, inihayag ni Malay mayor Floribar Bautista na nakipagpulong sa kanila ang Aklan Provincial Health Office upang ipaalam ang inaasahang pagdating ng bakuna sa mga susunod na linggo.

Ang nasabing bakuna ay mula sa Department of Health (DOH) at nakareserba para sa mga tourism workers sa isla kung saan, bahagi ito sa paghahanda sa pagbukas ng Boracay para sa mga international tourist.

Nabatid na pinaikli pa ng LGU ang curfew sa isla na mula sa dating alas-11:00 ng gabi ay magsisimula na ito ngayon sa ala-1:00 hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

Layunin nito na mas pang masulit ng mga bisita ang kanilang pagbakasyon sa Boracay.