Maraming mga COVID laboratory ang nabigong makapagsumite ng kanilang mga datos na umaabot sa 21 dahil sa pagiging holiday nitong nakalipas na wekeend.
Meron ding dalawang mga laboratoryo ang hindi operational.
Kaya naman ang datos sa bagong mga kaso na nahawa sa coronavirus sa boung Pilipinas sa daily tally ng Department of Health (DOH) ay mas mababa kumpara sa nakalipas na araw ng Linggo na 4,600.
Naitala ng DOH ang nadagdag na bilang ng mga pasyente sa 4,084.
Ang kabuuang mga dinapuan ng COVID-19 sa Pilipinas mula noong nakaraang taon ay umaabot na sa 2,855,819.
Samantala, mayroon namang naitalang 497 na mga bagong gumaling.
Ang mga nakarekober sa virus ay umaabot na sa 2,779,241.
Habang may nadagdag na 16 na mga pumanaw na pasyente.
Ang death toll sa bansa dahil sa deadly virus ay umaabot na sa 51,586.
Nagpaliwanag naman ang DOH na batay sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng nabanggit na 23 laboratoryo ay humigit kumulang 5.1% sa lahat ng samples na nai-test at 5.2% sa lahat ng positibong mga indibidwal.
Iniulat naman ng ilang eksperto na napansin ang patuloy na pagtaas ng ICU bed occupancy sa NCR na ngayon ay nasa 29 percent, samantalang noong December 26 ng nakalipas na taon ay nasa 17 percent lamang.