Kinumpiska ng Spanish authorities ang halos 39 kilograms ng cocaine mula sa miyembro ng Brazilian military na kasama ni Brazilian President Jair Bolsonaro upang dumalo sa G20 summit na ginaganap sa Japan.
Ayon sa reports, natuklasan ng mga otoridad ang 37 rolls ng cocaine sa garment bag na pagmamay-ari ni Sergeant Manoel Silva Rodrigues. Kaagad namang inaresto ang 38-anyos na si Rodrigues at ikinulong sa Spanish jail.
Kinasuhan ang suspek ng crimes against public health at hindi pa malinaw kung pababalikin ito sa Brazil.
Sa pamamagitan ng tweet ay inihayag ni Bolsonaro ang kaniyang saloobin sa pangyayari. Aniya, may naghihintay na karampatang parusa para sa taong responsable sa paglalagay ng drugs sa FAB plane.
Dismayado rin ang Brazilian Ministry of Defense sa ginawa ng kanilang miyembro. Nag-utos din ito na maglunsad ng military police inquiry para sa lahat ng kanilang kasapi.
Mahigpit na ipinapatupad ni Bolsonaro ang malawakang pagbabawal ng drug trafficking at krimen sa kaniyang pinamumunuang bansa. Bokal din itong sinusuportahan ang karapatan ng mga pulis na pumatay ng mga taong hinihinalang gumagamit o tulak ng droga tulad ng ginagawa ni President Rodrigo Duterte.