CEBU CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act ang isang German-national sa Brgy. Basak, sa lungsod ng Lapu-Lapu dahil sangkot umano ito sa online trafficking.
Hinuli ng mga myembro ng Women’s and Children Protection Center-Visayas Field (WCPC-VF) ang 41-anyos na si Alyas Howard sa loob ng pamamahay nito sa Sitio Suba-Masong sa bisa ng search warrant mula sa Regional Trial Court-VII.
Ayon sa hepe ng WCPC-VF na si Police Colonel Romeo Prisgo na iniimbitahan umano ni Alyas Howard ang mga bata sa kanilang pamamahay upang isagawa ang mga malalaswang aktibidad sa harap ng camera kapalit ng pera at i-uupload naman ito online.
Samantala na-rescue naman ng pulisya ang 3-year old nyang anak sa naturang operasyon.
Isasailalim sa forensic examination ang mga nasabat na computers at cameras mula sa pamamahay ng German national.
Napag-alaman na may karelasyong Pilipina si Alyas Howard at nagsasama sila mula pa noong Oktubre 2018.