ILOILO CITY – Umabot sa 41 na mga barangay sa Western Visayas ang apektado ng Bagyo Egay at enhanced southwest monsoon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ms. Cindy Ferrer, spokesperson ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council VI, sinabi nito na karamihan sa mga barangay na apektado ay nilubog ng baha.
Sa data ng opisina, 4, 066 na mga pamilya ang apektado na binubuo ng 70, 223 na mga indibidwal.
Ayon kay Ferrer, marami ang mga apektado na residente ang hindi na pumunta pa sa mga evacuation centers at pinayagang bumalik sa kanilang mga bahay dahil mabilis namang nag-subside ang tubig.
Samantala, isa ang sugatan sa isang barangay sa Nabas, Aklan matapos nahulugan ng bato habang lumalakad.
Apektado rin ng landslide ang ilang mga lugar sa Sebaste, Tibiao, at Patnongon sa Antique; at Hinoba-an sa Negros Occidental.
Nagpapatuloy rin ayon sa kaniya ang binibigay na tulong mula sa Department of Social Welfare and Development Region VI maliban pa sa assistance mula sa mga local government units.