Hindi pa rin mapigilan ng mga eksperto ang paglobo ng bilang ng mga nagkakasakit at namatay dahil sa Wuhan coronavirus.
Nitong araw lamang mahigit na sa 1,000 ang kumpirmadong nagkasakit sa buong China habang umakyat na rin sa 41 ang nasawi.
Nasa 1,297 kaso na ang naitala na kinapitan ng novel coronavirus kung saan nasa 19 nito ay mula sa labas ng China.
Ayon sa National Health Commission ang naturang bilang ay makaraang maidagdag ang panibagong kaso mula sa China, umaabot ng 10 mula sa Hong Kong, at meron din sa Macao at Taiwan.
Ang pagtaas din ng bilang sa death toll sa 41 ay kasunod naman ng good news na 38 mga pasyente ang gumaling mula sa ilang mga ospital.
Kabilng pa sa casualty ay isang doktor na kasama sa mga nasa frontline upang tumulong sa paggamot sa mga pasyente na nagkakasakit dahil sa novel coronavirus sa Wuhan City sa China.
Kinilala ang biktima na si Dr. Liang Wudong, 62, na sinasabing namatay siyam na araw makaraang mahawa ng coronavirus mula sa mga pasyenteng kanyang ginagamot.
Ang kaso ni Dr. Wudong ay kauna-unahang insidente sa medical profession.
Nitong araw din ang bansang Australia at Malaysia ay nakapagtala na rin ng unang kaso ng novel coronavirus.
Ang pasyente ay isa umanong lalaking Chinese national na edad 50, na kamakailan lamang ay bumiyahe sa sa central China’s Wuhan City.
Ang pasyente ay naka-confine ngayon at isolated sa isang Melbourne hospital.
Una rito, umabot na rin ang Wuhan corona virus sa Europa.
Ilang mga siyudad at probinsiya sa China ang nagpatupad na ng pinakamataas na level of emergency response na kinabibilangan ng Zhejiang, Guangdong, Hunan, Hubei, Anhui, Tianjin, Beijing, Shanghai, Chongqing, Sichuan, Jiangxi, Yunnan, Guizhou, at Hainan.
Samantala, todo pa rin ang paalala ng mga health experts na palaging maghugas ng kamay, mag-face mask kung sakali at umiwas sa mga bumabahing at kung maaari sa matataong lugar.
Narito naman ang paalala mula sa World Health Organization:
“Avoiding close contact with people suffering from acute respiratory infections; frequent hand-washing, especially after direct contact with ill people or their environment; avoiding unprotected contact with farm or wild animals; people with symptoms of acute respiratory infection should practice cough etiquette (maintain distance, cover coughs and sneezes with disposable tissues or clothing, and wash hands).”